Sunday, May 15, 2011

Sa ilalim ng kama



Masarap mahiga sa kama. Isang hugis parihaba. Malambot, minsan matigas. Makinis, minsan magaspang. Masarap matulog dito lalot kailangan mo ng isang mahaba at mahimbing na pagtulog. I-partner mo pa ang unan at sobrang himbing na nang tulog mo. Pero ano nga ba ang nasa ilalim nito? Agiw? Kapag may agiw may gagamba? Multo? Daga? Laruan? Lumang gamit? Hindi ko alam kung anong nasa ilalim ng kama mo. Isa lang meron dyan. Dilim.

Kung magtatanong ka sa mga batang maliliit, yung mga katatapos lang mag pre-school, kung ano ang makikita sa ilalim ng kama, sasabihin nila multo. May multo nga ba sa ilalim nga kama? Kung ako ang tatanungin, masikip na mundo ang lugar na ito para pagbahayan ng mga multo o kahit anung monster. Pero sa mga horror movies kadalasan ang set-up nila ay palaging may kababalaghan sa ilalim ng kama. Kunwari ay may gumagalaw o nagiingay sa ilalim ng kama tapos sisilipin ng bida at ayun, nagulat sa kanya yung multo. Ang mga multong tinutukoy ko dito ay mga white ladies, mga kaluluwang naaksidente, basta masasabi mong multo. Hanggang sa ginaya ng ginaya ang konseptong ito kaya’t tumatak na rin sa isipan ng mga bata pati na ng mga matatanda. Kahit ako naman natatakot din kung ako ang susubok. Ikaw ba kaya mong tingnan ang ilalim ng kama mo sa hating gabi? Dapat walang ilaw at ingay sa kwarto mo at dapat malamig. Matatakot kadin sigurado.

Sa ibang bata naman, sasagutin nila na may daga doon o kaya may ipis. Siguro ito, may malaking posibilidad pa na totoo, kung ang ilalim ng kama mo ay masahol pa sa poso negro ng manila zoo. Dito sa loob ng bahay naman ganyan ang sitwasyon. Sa umaga makakakita ka nalang ng mga pinaglaruan ng makukulit matapos mong mawalis ang ilalim ng kama. Hindi nga kami pinapatulog sa ingay minsan maglaro. Namamahay na pala sya sa ilalim. Tinapalan na yung bahay nya kaya hindi na nagingay at nagabroad na sa ibang bahay. Nakakapagtaka lang kung bakit itong lugar na ito ay gusto din pagtaguan ng mga bata kapag naglalaro sila. Dito din siguro nauso na may daga o ipis sa ilalim ng kama kahit wala naman. Panakot lang sa mga batang makukulit na nagsusumiksik sa ilalim ng kama kahit masikip. Gusto yata nilang kaibiganin ang mga daga at ipis.

Kung iisipin mo yung mga kama ng mga batang mayayaman, siguro ang nasa ilalim nun mga sirang laruan, mga sapatos, medyas na bulok, punit na coloring books at iba pa. Mas makalat pa ata sila kahit na may yaya na. May ibang bata nagsisiksik ng mga laruan sa ilalim ng kama, para paghinanap daw nila madaling makikita. Pero kadalasan, kabaliktaran ang nangyayare, si yaya tuloy ang nasisisi kung bakit nawala daw ang laruan niya. Hindi rin naman nila mapaglalaruan ang mga nasa ilalim na ito. Kadalasan putol na paa o kamay ng manika o robot ang makikita mo. Karamihan naman mga lego pieces ang nandon, mga jigsaw pieces na hindi na nasagutan at inabanduna nalang. Napansin ko din na taguan ito ng bola, hindi lang sa mga bata kahit sa mga matatanda dito tinatago ang bola. Pero sa mga burarang batang mayayaman, may makikita ka pang medyas na halos isang buwan na contaminated sa ilalim ng kama nya. Tapos magrereklamo kay yaya, may patay na daga raw sa kuwarto nya, ang baho daw. Kung hindi ka naman ba naghahagis ng medyas sa ilalim pagkatapos maghubad ng sapatos. Nasasama pa nga minsan pati mga hanger at ipit ng damit. Kawawa naman yung likod ng hinihigaan mo.

Sa mga masisinop naman na bata, sigurado may hilera ng sapatos, sandals at iba pang footwears sa ilalim nyan. Yung iba may koleksyon na agad na mga sapatos. Ang mga sapatos na ito karamihan mga branded, yung minsan mo lang susuutin at pangdisplay nalang sa ilalim ng kama. Pero karamihan, inuupod muna ang ilalim bago itambak sa ilalim ng kama, ihehelera para kunwari maayos tingnan. Hindi na koleksyon tawag dun, dapat dun koreksyon. Maganda siguro kung turuan na natin ang mga bata ng kaayusan habang mura pa ang kanilang kaisipan.

Hindi ko alam kung ano nga ba ang nasa ilalim ng kama ko, pakiramdam ko may hiwaga ang mga gagambang namahay dito. Kailangan ko na siguro silang i-relocate at i-renovate ang lugar na ito para kahit papaano, malinis sa ilalim kahit hindi ganun kalinis sa ibabaw.


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...